My Happy Thoughts!

Sharing happiness to the world!

Ano Na Nga Ba?

Kunwari’y balisa sa pagbabasa ng balita sa dyaryo, at sumisigaw ng nagaalimpuyong galit sa sistemang bulok na lumalamon sa kaluluwa ng mga makapangyarihan. Ngunit makatapos ay iinom ng kapeng may tatak ng babaeng tatsulok ang korona at may temang sosyal ang tawag sa inuming may sulat pa ng pangalan. Akala ko ba ay may ipinaglalaban ka na para sa mga taong nilapastangan ng lipunan, at mga puno’t halaman na winasak ng paglago ng mga industriya. Pa-selfie selfie ka pa sa iyong telepono na may tatak na prutas, na tila kinagat ng iyong mapagimbot na puso. Ilang bata kaya ang kakain kapag ibinili mo ng pagkain and iyong kape at telepono?

Masipag ka ngang sumagot sa mga naglilipanang kumento sa himpapawid ng baliktaktakan, at di ka naman papahuli sa pag “repost” ng mga bago, kahit ano basta uso, nakakaiyak man o nakakatawa. Minsan nga tungkol pa sa eleksyon at kung sino yung mukhang llamado. Muntik mo na nga isipin na sya na ang iboboto mo tapos, kaso nangyari na nga na may kinilingan na grupo. Bad trip talaga ikanga, ang linaw na po sana. Balik nanaman sa “planB” na “lesser evil” ikanga. Kawawang bansa naman, sabi mo, pero ang damit mo ay may tatak na prutas din at hinog pa, at ang sapatos mo ay may tsek (sana ay ekis na lang).

Iligtas mo ang mga pawikan na umaasa sa iyong pakikialam, sa mga dayong singkit  na pilit inaangkin ang iyong lupa at kaluluwa. Tama na ang pagbili ng mga bagay na di mo naman kailangan para mabuhay, at ipambuhay mo na lang sa may kailangan. Ano na nga ba? Mas masarap kaya ang kape na gawa sa binusang bigas at ang nasunog na butil, na sing itim ng dilim ng pag asa ng karamihan. Baba ka na sa pedestal mo at nasa ilalim ang tunay sa ibig sabihin ng pakikipag kapwa tao. Hugot ulit-para ito sa aking sarili.

-ode to self and those who relate

 

Posted by Cricket on September 20th, 2015
Filed under Love of Country


 

Comment away...



Name
Email
Your Website

 
Layout & Graphics by NCPO♥
© 2012 My Happy Thoughts!